Kaligtasan?...Paano nga ba?...(Isang Pagninilay Hango sa Ebanghelyo ni San Lukas 13:22-30)


Madalas nating marinig ang salitang “kaligtasan” sa usaping pananampalataya. Minsan sa sobrang paghuhumali natin dito, nakakalimutan natin ang mga mahahalagang bagay para makamit ang totoong kaligtasan. Nakakalimutan natin ang ibang tao at mas natutugunan pa natin ng pansin ang pangsariling kapakanan sa hangaring maligtas. Nakatuon na ang ating pa-iisip sa sariling kaligtasan. Sa ganitong sitwasyon, mas mainam kung babanggitin natin ulit ang tanong na ipinukol kay Hesus ng isang taong nakasalamuha o naging kasama Nya marahil sa paglalakbay pabalik ng Herusalem - “Panginoon, kakaunti po ba ang maliligtas?”….

Sa sitwasyon noon, malaking usapin ang salitang “kaligtasan.” Para sa kanila, nandoon ang pag-iisip na ang tanging mga Hudyo lamang ang may malaking posibilidad na magkakamit ng kaligtasan dahil sila ang piniling bayan ng Israel. Nagpapatingkad din dito ang mga turo ng mga Pareseo patungkol sa kalalagyan ng lahat ng mga hudyo sa pagdating ng paghuhukom. Alam natin na hindi lang mga Hudyo ang nakakasalamuha ni Hesus kundi kasama narin dito ang mga Hentil ang mga Samaritano, pati na ang mga Pagano. Marahil dito umiikot ang katanungan ng tao kung sino nga ba ang maliligtas. Isang tanong na hindi naman agad sinagot ni Hesus bagkus ipinikita Niya kung gaano kahirap pumasok sa pintuang makipot o sa madaling sabi, ang pagsunod kay Kristo – sa kaharian ng Diyos

Ngunit paano nga ba ang sumunod? Saan ba si Hesus sa pangkaraniwang galaw ng ating buhay? Anong merong relasyon tayo kay Hesus upang tayo ay makilala Nya at hindi pagtabuyan? Hindi lingid sa ating kaalaman na maliban sa labingdalawang apostol ni Hesus ay marami pa ang mga naging alagad Nya. Pero hindi lahat ay may malalim na ugnayan kay Kristo. Hindi ibig sabihin na kung makasama man natin si Hesus sa pagkain at pag-inom at makinig man sa kanyang mga aral ay garantisado na ang ating kaligtasan. Ito ay may kaakibat na responsibilidad at pananagutan bilang isang tagapagsunod kay Kristo. Ito ay nararamdaman sa puso at ipinapakita sa kapwa - isinasa buhay.

Minsan katulad tayo ng mga taong hindi nakapasok sa pintuan. Malimit nating ipamukha sa ibang tao kung gaano tayo kalapit kay Kristo ngunit kung tutuusin ay panglabas na anyo at pawang kasinungalingan lamang ito. Marami sa atin ngayon ang nasa ganitong kalagayan. Hindi na si Hesus ang nangunguna sa ating buhay kundi ang pagkagahaman sa kapangyarihan at sariling interes. Malungkot dahil nagagamit natin ang pangalan ni Hesus. Malimit nga nating paniwalaan ang ganitong klaseng tao lalo na at iba sa kanila ay may pangalan sa lipunan. Naturingan ang Pilipinas na katolikong bansa subalit taliwas ang ating mga nararanasan. Sa ngayon, kasalukuyang itinatago ng Gobyernong ito ang katotohanan tungkol sa mga anomaliyang nakabalot sa mga transaksyon nito sa pribadong mga kunpanya katulad na lamang ng ZTE, Fertilizers scam at iba pa. Patuloy pa rin nating nararanasan ang Extra Judicial killings at pagdukot sa mga taong tumitindig sa kanilang karapatan. Ang hindi matapos-tapos sa bangungot ng eleksyon ay patuloy na nagbibigay lamat sa ating gobyerno, ang napabanggit na “Euro Generals.” At ang pinakahuli ay ang muling pagbangon ng pagpapalit ng Saligang Batas na inimumungkahi ng iilang mga mambabatas na may halong pangsariling interest kaakibat ditto ang pagpapanatili sa kapangyarihan ng “pekeng” Pangulo. Iilan lamang ito sa mga pangyayaring nagpapalugmok at humaharang sa atin patungo kay Kristo. Sa ganitong kalagayan, sadyang na-aayon nga ang tanong kay Hesus “Panginoon, kakaunti po ba ang maliligtas?”

“Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan.” Ito ang tugon ni Hesus sa tanong sa kanya. Ito ay isang paanyaya sa ating lahat, isang paaanyayang nangagailangan ng pagsusumikap. Hindi madali ang pagsunod kay Kristo, hindi madali ang pagiging alagad nya at hindi madali ang pagpunta sa kaharian ng Diyos. Maraming pagsubok at balakid ang darating sa ating buhay. Nangangailangan ito ng patuloy na pagtinging sa ating sarili. Hindi sapat na marinig lang nating ang mga turo ni Hesus. Kailangan din ito ng kilos at paggawa. Hindi maaring magkipit-balikat lang tayo sa mga maling nagaganap sa pamilya, sa kumunidad at lalo na sa lipunan. Minsan nasanay na tayo sa apat na sulok ng ating mga bakod o magmuk-mok sa ating mga tahanan. Sana pagtuunan natin ng pansin ang mga nagaganap sa ating lipunan at hindi lang makontento sa pagpuna dito habang nanonood ng balita sa TV o nagbabasa ng pahayagan habang nakaupo sa malambot na sofa, hawak-hawak ang mainit na kape. Alalahanin natin na si Hesus ay naglakbay, nagturo, nagpagaling, nagpakain at higit sa lahat, nag-alay ng buhay para sa atin. Inaasahan din ito sa atin ni Hesus kung ninanais nating pumasok sa makipot na pintuan. Marami na ang nagbuhis ng kanilang buhay, marami na ang tumugon sa panawagan ni Hesus. Sa panahon natin ngayon, hindi lang si Hesus ang nananawagan, kundi pati ang mga biktima ng karahasan ng ating lipunan, ang mga walang malay na biktima ng digmaan, ang mga nangungulilang kamag-anak ng mga biktima ng extra judicial killings, ang mga mahihirap at ang mga dukha. Huwag na nating hintaying magmaka-awa kay Hesus na papasukin sa pintuan sa pagdating ng panahon. Huwag tayong magulat na balang araw, ang mga taong humingi sa atin ng tulong, ang mga taong nagdusa at naghirap ay siya pang bisitang pangdangal ni Hesus sa kanyang hapag,… “ tunay ngang may nahuhuling mauuna, at may nauunang mahuhuli.”

Tayo ay binibigyan ni Hesus ng kalayaan kung papasok tayo sa malawak at magandang pintuan o sa makipot na pintuan. Binigyan na tayo ni Hesus ng gabay at ito ay ang sarili Nyang buhay. Ninanais ni Hesus na makasama tayo sa Hapag ng Panginoon. Ito ay para sa lahat ng tao, hindi ito usapin kung anong antas ng buhay meron tayo o sa usaping relihiyon, ito ay usapin kung ikaw ba ay tumugon sa kanyang panawagan, ikaw ba ay nagmahal ng iyong kapwa. Dito masasabi natin na ang pagmamahal ng Diyos ay para sa lahat. Hindi na ito usapin kung ilan ang maliligtas bagkus ito ay usapin kung gaano tayo kamahal ng Diyos, na tayo lahat ay inaanyayahan sa kaligtasan na ito.
-melskiens-

Comments

Popular posts from this blog

Blessed Pope John Paul II

WHY US LORD?: A Reflection On The Typhoon Yolanda Calamity.

A New Open Space